Saan nga ba ako Patungo ? (maikling kwento)
Isang katanghaliang tapat, binabaybay ko ang mahaba at pasikot-sikot na daan. Saan ako patungo ? Hindi rin alam! Pero may hinahanap akong isang bagay . Dumaan ako sa mga tindahan at nagsukat ng mga damit at sapatos. Maraming bumagay sa akin at lahat ng taong makakita sa akin, sinasabihan ako na bilhin ko na ang mga iyo. Pero nabigla sila nang iwan ko ang mga iyo at muling pumasok sa kasunod na tindahan. Muli akong namili at nagsukat. Ngunit tulad ng nangyari sa mga naunang tindahan, umalis akong bigo. Ngunit bago pa man ako umalis, bumili ako ng tubig. Hindi naman ako nauuhaw. Muli ako'y naglakad at napansin ko na matindi na ang init na tumatagos sa aking balat. Naghanap ako ng masisilungan ngunit wala wala ng mga tindahan o kahit kabahayan na aking dinaraanan. Yumuko na lamang ako at nagpatuloy sa aking paglakad. Sa aking paglalakad, natagpuan kitang nakalugmog sa gitna ng daan. Hindi ka dumaraing ngunit bakas sa iyong mukha ang hirap na iyong dinaranas. Lumapit ako sayo at inabot ang tubig kong dala. Sa una'y tumanggi ka ngunit dahil narin sa kapipilit, kinuha mo iyon at ininom. Nang maibsan ang iyong uhaw at ang iyong lakas ay nanumbalik, sa tingin ko'y oras na upang magpatuloy. Inabot ko ang aking mga palad sa iyo at laking gulat ko nang walang pag- aalinlangan mo itong tinanggap. At tayo'y sabay na nagpatuloy sa paglalakad na magkahawak kamay.
Habang naglalakbay dinadama ko ang malambot mong mga palad na siyang nagbibigay kasiyahan sa akin. Naitanong ko sa aking sarili "IKAW BA ANG AKING HINAHANAP?". Maraming lubak, putik, alikabok at bato ang sa atin ay sumalansa ngunit nanatili tayong magkakapit . Tanging hiling nang aking puso ang tayo'y di na magkahiwalay.
Nadaan tayo sa mga sangang daan at doo'y dumami ang ating kasabay. Hindi ka na tulad ng dati. Ngayon ay mas higit kang masalita kaysa noong tayo pa lamang dalawa. Ang atensyon mong dati'y sa akin lamang ay antuon na sa iba. Ngunit magkaganoon man, hindi ako nangangambang ako'y iyong iiwan kahit na ang kamay mo ngayon ay hawak na ng iba. Patuloy pa rin ako sa pag-asa. Hanggang sa muli nating pagdaan sa sangang daan. Walang kalingon-lingon kang lumiko at sumama sa kanya. Naiwan akong nag-iisa.
Nagpatuloy ako sa paglalakbay kahit na may tila kadenang pumipigil sa aking mga paa. Nais kong umiyak ngunit heto na naman ang isang tinig na nagsasabi sa aking ngumiti. Naisip ko "TAMA SIYA!". Maari ngang hindi ikaw ang aking hinahanap ngunit ikaw ang ginawa niyang instrumento upang ako'y patatagin sa anumang hamon at bawat alaala natin ay magsisilbing mga tagapagpatawa ko sa aking paglalakbay habang di ko pa nakikita ang aking hinahanap!
Salamat sa iyo! Ngunit isang tanong ang nananatiling walang sagot. Saan nga ba ako patungo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento