Biyernes, Setyembre 23, 2011

Sa Pag-iisa ko...


Sa Pag-iisa ko'y pighati ang kasama 
At bawat dantay ng sandali
ay iisa ang  hiningang bumabalot
sa kaanyuan.

Ikaw ang aking Dalangin 
Binibigkas sa mukha ng paslit na buwan 
At kindat ng sanlibong bituin.

Ngunit tulad ngayon ang langit at lupa
Ang katahimikan sa ating pagitan 
Di ko mahanap ang init ng iyong 
mga palad upang ipabatid 
ang halik ng mga bulalakaw.

Sa ating paligid ay wala nang halakhak
Ang mga halaman at di na maabot
ang ngiti sa perlas mong mga labi

Sa Pag-iisa ko hayaan mong 
isagi kita sa isip at hintayin 
ang pag-usbong ng bukang liwayway
na dala ang tamis ng pag-ibig 
sa matipuno mong dibdib.



Paalam na sa iyo mahal ko...

Martes, Setyembre 20, 2011

CICT DAYS 2011

  Noong ika- 24 ng Agosto taong 2011, miyerkules ganap na alas tres ng hapon binuksan ang aming CICT DAYS . Sinimulan ang CICT Days ng parada na kinalalahokan ng mga manlalaro ng iba't -ibang level ng mga mag-aaral ng Computer Technology at Information Technology Stusent. Sa parada pinangungunahan ng mga naggagandahang mga muse ng bawat koponan at kasunod rito ang mga manlalaro at mga cosplayers na suot ang mga kakaiba at nakakaamazing na anime characters. Na sinimulan ito mula 3rd gate hanngang sa Activity Center.
  Matapos ang parada, nagkaroon ng isang programa na kung saan ay nagpagalingan at nagrampahan ang mga magagandang muse ng bawat level. Na isa sa mga kandidato sa pagkamuse ay isa naming kaklase na si Rianne Lozano na aming pambato . Ngunit di naman siya nanalo sa nasabing timpalak para sa amin siya ang tunay na  nanalo kasi binigay niya yung best niya para sa kompetisyon na iyon.
 Mayroon ding labanan ng mga cosplayers kung saan ay isa-isa silang lumakad papuntang entablado para magpakilala sa mga ginagayang anime characters.  Ang ibang BIT 3A -G1 ay nagsalihan sa iba't ibang palaro tulad ng basketball at palaro sa major.
  Sa mga panahon ng CICT Days ay nagkaroon ng pagkakaisa na supportahan ang mga kaklase o ka year level sa mga kompetisyon na kanilang kinalahokan. Ang naganap na CICT Days ay masaya bagama't wala akong sinalihang mga palaro ay naging isang masaya at masiglang taga suporta sa manlalaro...

Saan nga ba ako Patungo ? (maikling kwento)


     Isang katanghaliang tapat, binabaybay ko ang mahaba at pasikot-sikot na daan. Saan ako patungo ? Hindi rin  alam! Pero may hinahanap akong isang bagay . Dumaan ako sa mga tindahan at nagsukat ng mga damit at sapatos. Maraming bumagay sa akin at lahat ng taong makakita sa akin, sinasabihan ako na bilhin ko na ang mga iyo. Pero nabigla sila nang iwan ko ang mga iyo at muling pumasok sa kasunod na tindahan. Muli akong namili at nagsukat. Ngunit tulad ng nangyari sa mga naunang tindahan, umalis akong bigo. Ngunit bago pa man ako umalis, bumili ako ng tubig. Hindi naman ako nauuhaw. Muli ako'y naglakad at napansin ko na matindi na ang init na tumatagos sa aking balat. Naghanap ako ng masisilungan ngunit wala wala ng mga tindahan o kahit kabahayan na aking dinaraanan. Yumuko na lamang ako at nagpatuloy sa aking paglakad. Sa aking paglalakad, natagpuan kitang nakalugmog sa gitna ng daan. Hindi ka dumaraing ngunit bakas sa iyong mukha ang hirap na iyong dinaranas. Lumapit ako sayo at inabot ang tubig kong dala. Sa una'y tumanggi ka ngunit dahil narin sa kapipilit, kinuha mo iyon at ininom. Nang maibsan ang iyong uhaw at ang iyong lakas ay nanumbalik, sa tingin ko'y oras na upang magpatuloy. Inabot ko ang aking mga palad sa iyo at laking gulat ko nang walang pag- aalinlangan mo itong tinanggap. At tayo'y sabay  na nagpatuloy sa paglalakad na magkahawak kamay.
   
  Habang naglalakbay dinadama ko ang malambot mong mga palad na siyang nagbibigay kasiyahan sa akin. Naitanong ko sa aking sarili "IKAW BA ANG AKING HINAHANAP?". Maraming lubak, putik, alikabok at bato ang sa atin ay sumalansa ngunit nanatili tayong magkakapit . Tanging hiling nang aking puso ang tayo'y di na magkahiwalay.


  Nadaan tayo sa mga sangang daan at doo'y dumami ang ating kasabay. Hindi ka na tulad ng dati. Ngayon ay mas higit kang masalita kaysa noong tayo pa lamang dalawa. Ang atensyon mong dati'y sa akin lamang ay antuon na sa iba. Ngunit magkaganoon man, hindi ako nangangambang ako'y iyong iiwan kahit na ang kamay mo ngayon ay hawak na ng iba. Patuloy pa rin ako sa pag-asa. Hanggang sa muli nating pagdaan sa sangang daan. Walang kalingon-lingon kang lumiko  at sumama sa kanya. Naiwan akong nag-iisa.
  Nagpatuloy ako sa paglalakbay kahit na may tila kadenang pumipigil sa aking mga paa. Nais kong umiyak ngunit heto na naman ang isang tinig na nagsasabi sa aking ngumiti. Naisip ko "TAMA SIYA!". Maari ngang hindi ikaw ang aking hinahanap ngunit ikaw ang ginawa niyang instrumento upang ako'y patatagin sa anumang hamon at bawat alaala natin ay magsisilbing mga tagapagpatawa ko sa aking paglalakbay habang di ko pa nakikita ang aking hinahanap! 


  Salamat sa iyo! Ngunit isang tanong ang nananatiling walang sagot. Saan nga ba ako patungo?



Sabado, Setyembre 17, 2011

Ang Kwento ng Buhay Ko...

  

 Ako si Sara Jane H. Fabroa. Isinilang noong Nobyembre 11, 1987  sa Matungao, Bulakan,Bulacan.Ako ay may kakambal ang kanyang pangalan ay Mary Jane H.Fabroa. Ang aking mga magulang ay sina Teresita Garcia-Hernandez na isang taal na taga- Bulacan at si Pedrito Cabanig-Fabroa na isang taga-Cebu.

    Ako ay nagsimulang tumapak ng eskwelahan taong 1993 bilang isang "KINDER GARTEN" sa paaralan ng Matungao Elementary School. Matapos ang taong iyon 1994 kami ay lumipat ng tirahan sa Angeles, Pampanga doon kami nag- aral ng Unang baitang hanggang Ikawalang Baitang sa kadahilanang ang aking ama ay nagtayo ng isang bisnes. Ngunit matapos malugi sa ang tinayong negosyo ng aking ama kami ay muling bumalik sa Bulacan upang doon kami manirahan ulit. Kaya ng kami ay mag IIkatlong Baitang na kami sa nagbalik sa Matungao Elemetary School hanggang sa ika-anim na Baitang.

  Nang kami ay nag "HIGH SCHOOL" sa Guiguinto National Vocational School  kami ipinasok taong 2000. Di pa kami nakakatapos ng high school nagkaroon ng isang problema ang aming pamilya  na humantong sa paghihiwalay ng aking mga magulang.  Kaya sa panahong nag-aaral kami ng high school tanging ina ko na lang ang nagtatrabaho sa amin. Kaya hirap na hirap siya sa pagpapaaral sa amin. Ngunit kami ay napagtapos pa rin nya ng high school. 
Sa panahong kami ay magkokolehiyo nang magkapatid batid ko na di kaming kayang pag- aralin ng sabay ng aming ina sapagkat ang tanging hanap buhay ng aking ina ay isang mananahi ng bag. Kaya ako na mismo na nagbigay ng daan sa aking kapatid na mauna siyang mag-aral sa akin ng kolehiyo. kahit papano ay may isang makatapos sa aming magkapatid. kaya noong panahon na iyon kasama ako ng aking ina sa pananahi ng bag upang ipang tustus sa pag- aaral ng aking kakambal.Habang nag- aaral ang aking kakambal ako ay inggit na inggit sa kanya ngunit wala naman akong magagawa kundi maghintay sa aking pagkakataon. Nagtapos ang aking kakambal noong taong 2008 sa kursong Bachelor of Science Information Technology.Nang makatapos siya ng pag-aaral agad naman nakahanap ng papasukang trabaho ang aking kakambal kaya ako ay pinagpasyahan niyang pag-aralindin ng kolehiyo. Noong mga panahon na iyo ay walang pagsidlan ang saya ko noon.

   Ako ay nag-aral ng kolehiyo noong 2009 sa kursong BIT COMPUTER TECHNOLOGY.Makalipas ang dalawang taon ako ay natapos ko ang dalawang taong kurso ko. Ngunit ako ay nagpatuloy na  mag-aral ng kolehiyo  ngayon ako ay nasa ikatlong taon sa aking kursong kinukuha.oo mahirap mag-aral,  Nahihirapan ako, ngunit kinakaya sa kadahilanan alam ko na kaya ko ito at may magandang kalalagyan ang taong marunong magtiyaga at maghintay sa buhay.
Ito ang kwento ng aking buhay...  
                                                                                                                                                 
                     "ITO ANG AKING PAMILYA"